Sakop ng Anti-Hoarding at Anti-Panic Buying, nilawakan ng DTI

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Dinagdagan ng Department of Trade and Industry o DTI ang mga produktong sakop ng kampanyang Anti-Hoarding at Anti Panic Buying, ngayong mas pinalawig ang pag-iral ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Sa ginawang inspeksyon ng DTI-Bulacan sa mga pangunahing supermarkets sa Malolos, ipinaskil na ang mga bagong karatula na nagtatakda ng mga karagdagang produktong nilagyan ng limitasyon na pwedeng mabili. 

Ayon kay JC Taruc Dizon , inspector at trade and industry specialist ng DTI-Bulacan, kabilang diyan ang tuyong isda o dried fish na pwedeng mabili hanggang anim na pakete; dalawang bote o dalawang pakete para sa patis, toyo at suka; 10 lata ng canned pork at apat na bote o pakete ng mantika para sa kategoryang food items.

Para naman sa mga non-food items, isinama na ang tootpaste na pwedeng mabili na hanggang apat na tubes at apat na bote ng mouthwash. Limang bars lamang ng sabong pangpaligo ang maaring mabili. Kung ibinebenda ng pake-pakete, isang balot lamang ang pwede. 

Sa sabong panlaba, ang pulbos o powdered detergent ay pwedeng bumili ng hanggang dalawang pakete, dalawang kahon at dalawang piraso kung bareta. Isinama rin pati ang wet wipes at baby wipes na hanggang apat na pakete lang. 

Matatandaan na sa pagsisimula ng ECQ, nauna nang tinakdaan ng limitasyon ang mga noodles at pancit canton sa limang pakete, limang lata ng sardinas na regular ang laki at tatlo kung malaki; tig-dalawa delatang gatas at naka-bundle na powdered Milk at sa mga pakete ng 3-in-1 na Kape.

Habang ang pagbebenta sa Alcohol at iba pang disinfectant ay nananatiling hanggang dalawang items lamang sa kahit anong laki.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Dizon ang pamunuan ng mga sangay nitong mga supermarkets na sundin sa lahat ng oras at pagkakataon ang paglalagay ng Price Tag at Shelf Tag.

Ayon pa sa kanya, itinatakda sa Consumer Welfare Act at sa Price Tag Act ang pag-uubliga sa mga supermarkets na dapat may Price Tag ang bawat piraso ng mga produkto, anumang uri ito at gaano man ito karami. 

Gayundin ang paglalagay ng Shelf Tag o ang talaan ng presyo sa tapat kung saan naka-display ang mga partikular na mga produkto. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews